First post. Ilan na nga bang first posts ang nagawa ko. Dami ko ng blog. Pero lahat sila English. Itong blog na to, ginawa ko para pagsulatan ko ng mga Tagalog kong kwento. O sige na nga, Taglish. Mahirap kasi kung purong Tagalog, masyadong awkward basahin. Sa panahon ngayon, bihira na lang ang nagsasalita ng purong Tagalog. Sinong Pilipino ang hindi nagmumura ng "shit!" o kaya'y nagbibilang ng pera sa Tagalog? Sasabihin mo bang sampung piso at limampung sentimo kung mas madali ang pagsabi ng ten fifty?
Ang mga baby ngayon karamihan sinasanay na rin sa Ingles. 'Yong isa ko ngang pamangkin natuto lang mag-Tagalog nung pumasok na sa school. At mula nung natuto syang mag-Tagalog, hindi na sya naging madaldal. Nalito na siguro sya sa pag-e-express ng naiisip nya sa pamamagitan ng salita. Pero hanggang ngayon hindi nya pa rin kabisado kung saan ilalagay ang "po" sa sentence. Kaya nilalagay na lang nya lagi sa hulihan: "Anong oras tayo aalis... po?" Kasi naman kapag nandon sya sa paternal grandparents nya, Ingles ang salita nya dahil Inglesera ang mga tao. Kapag naman nasa bahay namin (sister ko ang mom nya), Tagalog ang ginagamit nya. Gusto nya kasing makibagay. Napapansin namin noon pa na kapag kinausap mo sya sa Tagalog, Tagalog din ang gagamitin nya. Pero pag sa Ingles mo sya kinausap, Ingles din ang gagamitin nya. Gusto nyang makibagay, pero ayun nga, nalilito sya. Wala tuloy syang primary language. Mas magaling syang mag-Ingles, pero may mga bagay na hindi nya masabi sa Ingles at kailangan nyang gamitan ng Tagalog. Magaling din naman syang mag-Tagalog kaya lang yung pagta-Tagalog nya ay utal. Hindi smooth kumbaga.
Kaya gumawa ako ng blog na pagsusulatan ko sa Tagalog. Baka kasi mautal din akong managalog pag puro Ingles na lang! Chorva hehe. Syempre hindi hehe. Pero aaminin ko, noong nagsusulat pa ako sa Tagalog, nai-explain ko lahat in Tagalog ang nararamdaman ko. Yung hindi na pag-iisipan pa ang sasabihin. Yung deretso mula sa isip papunta sa bibig. Totoo ngang pag hindi ginagamit, kahit anong bagay, kakalawangin. Pero wag naman sanang kalawangin ang dila ko. Baka ako matetano.
Thursday, April 2, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment