Sobrang lakas na naman ng hangin at ulan. Si Bagyong Helen ay wala sa Metro Manila pero inaapektuhan nito ang hanging habagat kaya’t patuloy na naman ang mala-bagyong panahon dito sa Kamaynilaan.
Noong isang linggo, hinagupit ang Luzon at Visayas ng matinding hanging habagat na pinag-ibayo ng isang bagyong nasa Japan. Ang layo nila sa isa’t isa, ‘di ba? Pero nagawa ni bagyo na apektuhan ang hanging habagat kaya’t bumaha na naman ng mala-Ondoy sa mabababang lugar sa Metro Manila at mga kalapit nitong probinsya, gayundin sa mga lugar na malapit sa mga anyong tubig.
Nguni’t hindi pa man bumababa ang baha sa ilang lugar, heto’t dumating na si Bagyong Helen.
Malupit si Helen. Bagama’t hindi daw ito magdadala ng ulan na singlakas ng habagat noong isang linggo, makakapagpabaha pa rin ito dahil hindi na kayang sumipsip ng lupa dahil masyado na itong saturated sa nagdaang pag-ulan.
Pero hindi man singlupit ng nagdaang habagat si Helen, umaalog pa rin ang gate namin at tila nagwawala ang wind chime na dati ko nang kinainisan dahil kahit malakas ang hangin ay ayaw tumunog. Matinding habagat at bagyo lamang pala ang kailangan nito para umimik, kaya’t kahit natatakot ako sa tila ipo-ipong hangin at sa kalugkugan sa paligid, may tuwa pa rin akong nararamdaman kapag naririnig kong tumutunog ang wind chime.
Sa ngayon, ang pagtunog ng wind chime na iyon sa gilid ng aming bahay ay tila nagiging palatandaan na na hindi normal ang hangin. Na may bagyo. Na uulan ng malakas.
Mabuti na lamang at wala kami sa binabahang lugar. At dahil diya’y pinasasalamatan ko ang tatay kong matagal nang namayapa dahil dito n’ya kami itinira. Hindi ko pa man nararanasan ay tila randam ko ang hirap ng mga nasa evacuation center na napapanood ko sa balita. Ramdam ko ang awa para sa mga nag-aantay ng relief goods para lamang sila’y may makain.
Nakakalunos, pero dahil Pilipino tayo ay alam nating lahat na malalampasan natin ito. Na lahat tayo’y maabilidad na pinatatag pa ng ating kahirapan. Lahat tayo’y marunong tumawa sa problema at magtiis sa kung ano lamang ang meron. Pero higit sa lahat, alam nating malalampasan natin ang trahedyang ito dahil bilang mga Pilipino, lahat tayo’y likas na matulungin at mapagmahal.
No comments:
Post a Comment