
Wala pa ring cable television noon. Sa bahay namin, channel 7 ang pinakamalinaw. But still, pag Semana Santa, kahit anong linaw ng reception ng tv mo, wala pa ring palabas.
Hindi nakagawian ng pamilya ko ang mamasyal pag Holy Week. Relihiyoso ang nanay ko, at para sa kanya, hindi panahon ng pagsasaya ang linggong ito. Sa probinsya no'ng hanggang 8 years old ako, usung-uso ang mga pabasa. Abang na abang namin ng mga kaibigan ko ang pagtatapos ng mga pabasa dahil sa handaan. Exciting. Parang Pasko. Masaya pa rin kahit hindi pwedeng maglaro. Kahit hindi na maaaring maligo pagpatak ng alas tres ng hapon tuwing Biyernes Santo, okay pa rin. At bakit daw bawal? May kwento ang lola ko, may babae raw na naligo after 3 pm ng Biyernes Santo, nabaliw. Syempre hindi ko naman gustong malukring. Kaya sa umaga lang ang ligo pag Biyernes Santo. Tutal hindi naman pwedeng maglaro, okay lang matulog na hindi naliligo.
Pero nang lumipat kami ng Maynila, bibihira ang nababalitaan kong nagpapabasa sa lugar namin (at ngayon, totally wala na). Kaya pag Huwebes at Biyernes Santo, nasa bahay lang talaga kami. Pag Biyernes magsisimba for the Seven Last Words pero after that, sa bahay na lang talaga. At hindi pwedeng mag-inarte. Dapat tahimik lang. Kabastusan ang mag-ingay. Pwedeng manood ng tv pero syempre walang ibang choice kundi ang panoorin ang "The Ten Commandments" dahil iyon lamang ang palabas. Habang nanonod, hindi nawawala ang mga side comments ni nanay tungkol sa mga verses sa Bible kung saan nya nabasa ang scene na kasalukuyang pinapalabas. Pati background ng mga characters ikukwento sa 'yo. Kaya ang ending, half-half lang ang naiintindihan ko. Half ng pinapanood ko, at half ng kinukwento ni nanay.
Hanggang ngayon naman ganoon pa rin kami. Sa bahay lang, tahimik, pero iba na ang relihiyon ng nanay ko kaya wala nang simba pag Biyernes. At dahil may internet at cable na, marami nang pwedeng gawin maliban sa panonood ng "The Ten Commandments."
Hindi naman na ako mahilig mag-tv ngayon (lately American Idol lang pinapanood ko), kaya mas pabor ako syempre sa internet. Thousands of things to do online. Pwedeng mag-surf, mag-chat, mag-blog at kung anu-ano pa... nang tahimik. Pwede ring mag-games - online games to be exact, para interactive. Buti na lang talaga at hindi nila sina-shutdown ang mga game servers pag Holy Week.
Pag nakita ng nanay, syempre pagsasabihan. Pero dahil hindi na ako bata, may sarili na akong desisyon tungkol sa mga bagay-bagay. Hindi naman ako gumagawa ng anumang makakaabala sa pinaniniwalaan nilang tamang pagse-celebrate ng Holy Week. But really, I don't wanna go with the "showy" kind of sacrifices. I'm not saying, though, na dahil showy, e, superficial lang ang ginagawa ng nanay ko at ng ibang kagaya nya ang ginagawang pagse-celebrate. Yun na ang kinagisnan nila, e. At kung gano'n ang nakapagbibigay sa kanila ng kapanatagan ng loob, so be it. I'm sure nanay does it wholeheartedly. At sigurado akong magi-guilty sya kapag hindi nya ginawa ang mga nakagawian na niyang tradisyon tuwing Mahal na Araw.
'Yon naman kasi ang importante - 'yong ginawa natin ang pinaniniwalaan nating tama upang mapanatag ang loob natin. If you'll go against your norm pero mag-iiwan naman iyon sa iyo ng sense of guilt, hindi iyon maganda para sa peace of mind mo.
Ako naman, ayaw ko nung nakikita ng iba. Gusto kong magbigay ng sakripisyo hindi para hangaan o ipagyabang, kundi para sa self-fulfillment ko. Sacrifices like giving up something you really enjoy doing, o kaya ang hindi pagsasalita loob ng isang buong Biyernes Santo, pwedeng i-give-up ang paggamit ng telepono... Pero dapat sakripisyo talaga. Hindi mo pwedeng isakripisyo ang paggamit ng telepono kung hindi ka naman mahilig magtelepono. O kaya'y hindi mo pwedeng gawing sakripisyo ang hindi pagsasalita kung pipi ka naman.
Dapat din bukal sa loob. Nasa sarili na rin kasi natin 'yon; nasa sarili natin ang pagbabago, ang pagiging mabuti. Magpapapako ka nga sa krus tuwing Biyernes Santo, pero minumura mo naman sa isip mo 'yong nagpapako sa 'yo, wala rin. O kaya'y nagpasan ka nga ng krus, pero patuloy ka pa ring nangungupit sa kumpanyang pinagtatrabahuhan mo, wala pa rin.
Mabuti pang manood ka na lang ng "The Ten Commandments" o kaya'y mag-internet ka na lang. Pero mga kafatid, iwasan ang porn pag Biyernes Santo. Sige kayo, mapuputol yan.
No comments:
Post a Comment