May 20 palabas ang Pirates of the Carribean. Pero hindi ko pa napapanood. Nang manood kami ni K ng Thor, nagkasundo kaming panonoorin din namin ang Johnny Depp-starrer. Pero parang hindi na yata matutuloy.
First week of May nang tawagan ako ng mama ni K. Pinapunta ako sa bahay nila para ayusin ang router. Normally, hinahatid ako ni K ng motor pauwi. Pero nang araw na iyon, nagsabi s'yang hindi n'ya ako maihahatid dahil masakit daw ang hita n'ya.
Hindi agad nag-sink-in sa akin ang pananakit ng hita na iyon. Nasa bahay na ako nang kutuban ako, pero isinaisantabi ko na lamang ang hinala dahil sabi ko sa sarili ko, "Hindi naman siguro."
Dumaan ang mga araw, minsa'y nakita ko s'yang online sa Facebook. Nagpalit din s'ya ng display picture. Tiningnan ko, dahil ang picture na iyon ay aking kuha nang huli kaming magkasamang mag-mountain climbing.
May photo badge sa kanang ibaba ng picture. Badge ng isang kilalang fraternity.
Nagtanong ako kung bakit. Pero sa sarili ko lamang. Kung tutuusi'y wala naman akong karapatang magtanong kay K. Pero alam n'yang ayaw ko ng mga sumasali sa fraternities, at noong isang buwan lang ay napag-usapan namin ang tungkol doon. Sabi n'ya, hindi raw n'ya kailangan ng gano'n.
Pero bakit sumali s'ya ngayon?
Nag-message ako sa kanya. "Sumali ka ng frat?"
Ang tanging sagot n'ya: "Hehe."
"Naalala mo 'yong sinabi ko dati kapag sumali ka ng frat?" tanong ko sa kanya.
"Hala. Peace tayo." Alam n'ya. Natatandaan n'ya.
"Pasens'ya na. May word of honor ako." Sabay click ng "appear offline."
Hindi ko alam kung resonable ang ginawa ko. Pero gaya nga ng sabi ko kay K, may word of honor ako.
At dahil sumali s'ya ng fraternity, gaya ng ipinangako ko sa kanya noon, kakalimutan ko munang magkaibigan kami.
'Di na bale. Nakakapanood naman ako ng sine na mag-isa.
No comments:
Post a Comment