Wednesday, April 27, 2011

Taong Bundok

Nagsimula akong mag-"travel" noong July 2010. Na-inspire ako sa blogger na itago na lang natin sa initials na PSB (pero kung nadadaanan nyo ang blog n'ya at kung ire-relate n'yo sa content ng post na ito ay mahuhulaan ninyo agad kung sino). Girlalu pero ang lakas ng loob mag-travel mag-isa.

Kung tutuusin, high school pa lang ako'y mahilig na akong manood ng Travel Time ni Susan Calo Medina. Naiinggit ako sa kanya noon dahil kung saan-saan s'ya nakakapunta.

At Lalo kong naging pangarap ang maging traveler nang magkaroon ng Lakbay TV. Doon ko unang nakita at naging crush si Rovilson Fernandez. Haha!

Una kong binakpak ang isang beach sa Quezon kasama ang isang kaibigan – si G. Search lang sa internet kung paano puntahan at go na agad. Tuwang-tuwa ako syempre nang marating ko ang lugar na iyon for the first time. Adventure kasi pareho naming hindi alam ang lugar na iyon. Normally, hindi ko pupuntahan ang isang lugar na hindi ako pamilyar.

After two weeks, nagplano naman akong pumunta sa isang waterfall sa Laguna. Pumayag si G na samahan ulit ako. Nag-enjoy naman s'ya sa una naming lakad kaya't pumayag agad.

Nguni't nang mismong araw na ng aming pag-alis, hindi n'ya ako sinipot. Alas seis ang usapan nguni't alas siete na ay wala pa rin s'ya. Hindi rin sinasagot ang mga text at tawag ko. Eventually, malalaman kong hindi s'ya pinayagan ng tatay n'ya. E, maano bang i-text ako na hindi s'ya pinayagan 'di ba? Kesa naman nag-antay ako sa wala.

Anyway, hindi na ako nagpalit ng damit. Binuksan ko ang computer at nag-search sa internet. Ayaw kong tumuloy sa waterfall  kasi maraming tao doon. Magmumukha akong tanga kapag mag-isa lang ako. Bigla kong naalala na si PSB ay nag-mountain climbing mag-isa makita lang ang Buruwisan Falls.

So search ko agad ang "how to get there" instructions n'ya at gora agad sa Alabang para sumakay ng bus patungong Sta. Cruz, Laguna.

May nakatabi pa ako noon sa bus na teen-ager. Namangha siguro sa hawak kong pocket camcorder kaya kinausap ako.

"Journalist ka?" tanong ng binatilyo.

"Hindi," sagot ko. "Feeling lang."

At tumawa s'ya. Naikwento kong pupunta ako ng Buruwisan Falls at lalo itong namangha nang malamang mag-isa lang ako. Kahit hindi pa ako nakakarating sa paroroonan ko, proud na agad ako sa sarili ko. Magma-mountain climbing akong mag-isa! Taray! Solo climb kaagad.

Nakarating ako ng jump-off. Dahil pang-mountaineer ang dala kong bag, sinalubong ako ng mga tambay doon. Lahat nagpi-prisintang mag-guide. At dahil talagang kailangan ko ng guide, at dahil na rin sa sinabi ni PSB na mas mahal ang guide kapag sa registration ako kukuha, namili na ako sa mga tambay na sumalubong sa akin.

Napili ko ang nasa mid-40s na si Kuya Rey. S'ya ang napili ko dahil feeling ko hindi n'ya itatakbo ang bag ko. At dahil na rin hindi ko s'ya mapagnanasaan. Mahirap na 'pag may itsura. Baka magalit sa akin ang bundok.

Anyway, dahil first time kong umakyat ng bundok, nakakailang metro pa lamang kami ng nilalakad na paakyat ay hingal na ako. Mabuti na lamang at may nakasalubong kaming batang sakay ng isang kabayo. Ang alam ko'y para sa mga bagahe ang mga kabayo doon, nguni't sinubukan kong biruin ang bata kung pwede ba akong sumakay sa kabayo n'ya paakyat sa Buruwisan Falls. Umoo naman. P250 daw. Anober! Pero s'yempre alangan namang libre, 'di ba?

Sa madaling salita, nakarating ako ng Buruwisan Falls na naka-kabayo. Ang taray 'di ba? Feeling ko ako'y isang haciendero at nilalakbay ko ang kalawakan ng aking lupain.

Bawat makasalubong kong mountaineer ay binabati ako ng nakangiti. "Ayos 'yan sir, a," na ang tinutukoy ay ang pangangabayo ko. "'Buti pa kayo sir nakakabayo!" O kaya'y "Ay! P'wede palang mangabayo?"

Lahat naman sila'y sinasagot ko na iyo'y first time ko at hindi ko pa talaga kayang umakyat. Chos! Kaya ko naman talaga. Pero dahil may mas madaling paraan, e 'di sa mas madali na lang ako!

Ang ganda ng Buruwisan Falls, at hindi lang pala iyon ang waterfall doon. Meron ding Lansones Falls (kung saan nalaglag ang Cherry Mobile ko kaka-picture-taking) at Batya-Batya Falls (na hindi ko napuntahan dahil may kailangang languyin para makapunta doon. E sa wala akong mapag-iiwanan ng bag ko. Alangang isama ko sa paglangoy at umuwi akong basa lahat ng laman ng bag).

Mas maganda ang Lansones Falls kaysa sa main attraction na Buruwisan Falls. Mas mataas ang Buruwisan pero baliko ang bagsak ng tubig. Ang mas mababang Lansones Falls ay tila isang mahabang buhok ng babae kung titingnan. Maliit din lamang ang pinagbabagsakan nitong "basin" kaya't parang may pagka-personal ang dating.

Masaya din sa bundok na iyon kasi may tindahan sa taas. Winner! P'wede kang magpaluto ng pancit canton, magpatimpla ng kape, bumili ng kanin, de lata, sigarilyo, atbp. Medyo may kamahalan nga lamang pero okay na para sa mga katulad kong biglaang magma-mountain climbing at walang baon.

Sa biglaang pagma-mountain climbing na ito nagsimula ang pagkahilig ko sa pag-akyat ng bundok. Hinanap-hanap ko na. Hindi na lang backpacking ang gusto ko, lalo na't napatunayan kong maaari ngang umakyat ng bundok kahit na mag-isa lang ako (salamat sa guide).

Sa ngayo'y nakakailang bundok na rin ako maliban sa Mt. Romelo – Mt. Maculot Traverse, Pico de Loro, Mt. Pundaquit-Anawangin, MakTrav, Mt. Pulag, Mt. Batulao, at Manabu Peak. Walong bundok sa siyam na buwan. Magiging siyam pa yata dahil may balak akong umakyat two days from now.

Nguni't hindi naman lahat ng bundok na iyan ay ako lang mag-isa. Tatlo d'yan ay nakisabit ako sa grupo ng isang school-based mountaineers.

Masaya din kapag maraming kasama, pero mas nararamdaman ko at mas naa-appreciate ang kalikasan kapag ako lang mag-isa o kung may kasama ma'y isa lamang o dalawa.

Alam kong lahat ng hilig ay lumilipas. Nguni't sa palagay ko'y matatagalan pa bago lumipas ang hilig ko sa pag-akyat. Matagal ko nang pangarap ang malibot ang ating bansa. Hindi man flashpacking ang nangyayari katulad ng mga napapanood ko noon, paglilibot pa ring matatawag ang aking ginagawa.

Sadyang mabait ang Diyos. Pinagbigyan Niya ang matagal ko nang pangarap (faith lang). At nagpapasalamat ako na higit ko ngayong nakikita ang kagandahan ng Kanyang mga nilikha.

Sa August 1 ay gusto kong muling bumalik sa Mt. Romelo. Anniversary kumbaga ng pag-akyat ko. At ang plano ko ay muling hanapin si Kuya Rey upang siyang muling mag-guide sa akin. Ipapa-print ko na rin ang picture n'ya sa digicam ko. Hiling n'ya 'yon sa akin noon, na kung babalik ako'y ipa-develop ko daw ang picture n'ya nang may remembrance naman daw s'ya.

No comments:

Post a Comment