June 1. Sana estudyante [ulit/pa rin] ako. Noo'y hindi na ako mapagkatulog sa mga ganitong panahon. Excited na ako sa nalalapit na pasukan.
Ayaw kong sabihing excited ako dahil gusto kong matuto. Plastik. Takot nga ako sa mga titser. Ayaw kong mapagalitan. Saka tamad akong gumawa ng assignments. Pero excited ako dahil sa bagong bag, bagong sapatos... Saka gustung-gusto ko ang amoy ng mga bagong limbag na libro. Amoy lang. Dahil ang gusto kong basahi'y ang mga lumang Nancy Drew sa library. At nang mag-fourth year ako at pwede nang manghiram ng mga Mills & Boon paperbacks, iyon na ang naging paborito ko.
'Pag naaalala ko ang library namin noon, bumabalik pa rin sa akin ang pagkagusto kong maging isang librarian. Parang ang saya. Nakaupo ka lang doon, magpapahiram ng libro, magsasaway ng mga maiingay, nakasimangot na tila bawal ngumiti, masungit, at alam mo kung saan nakalagay ang bawat librong sabihin ng mga estudyante.
Pero balik tayo sa pasukan. May isa pa akong nilu-look forward noon sa pagbubukas ng school year. Ang crush kong si Paul. One level higher s'ya sa akin. Tatlong taon ko s'yang inabang-abangan tuwing flag ceremony at recess. Hahayyyy...
Ang guwapo n'ya. Ang puti. Parang Jake Cuenca na medyo malapad ang built. At dahil maikli pa ang mga basketball shorts noon, lagi akong present sa laro nila tuwing intrams. Kesehodang tamaan ako ng bola. Ang lalaki kaya ng mga hita nya. Nakakagigil!
Nang magtatapos na ang third year ko sa high school, gusto kong maiyak. Gagraduate na kasi noon si Paul, at alam kong hindi ko na s'ya makikita sa susunod na pasukan.
Walang nakaalam ng bagay na iyon kahit na ang aking mga kaibigan sa school. Tatlong taon kong crush si Paul pero ni isa ay wala akong pinagsabihan. Pinili ko iyong itago kesa tuksuhin nila ako sa harap ni Paul.
'Yoko nga. Dalagang Pilipina ako 'no! Mahiyain.
Parang unti-unti akong pinagsasakluban ng langit at lupa noon habang papatapos ang school year. Nandiyan ding magplano akong sulatan si Paul, lapitan siya. Pero s'yempre, hindi natuloy ang mga iyon. Dalagang Pilipina nga kasi ako.
Kani-kanina lang ay hinanap ko si Paul sa Facebook. Ang daming kapangalan. Pag pini-filter ko naman sa pangalan ng high school namin, walang lumalabas. Oh well, perhaps we're not really meant to be. Haha!
Nakaka-miss talaga. Mga libro at mga lalaki – mga bagay na parehong mabango para sa akin.
Gusto kong mag-enroll ulit.
No comments:
Post a Comment