At dahil pasukan na ngang talaga sa Lunes, June 6, kaydaming bagay na nakakapagpaalala sa akin ng buhay-estudyante ko noon.
Nag-aral ako hanggang grade 2 sa probinsiya. Second honor ako lagi. No'ng grade 1 ako'y narinig ko ang aking guro na nakikipag-usap sa asawa niyang guro din sa grade 6. Matalino daw ako, anang lalaking titser sa grade 6. Hindi ko alam ang naramdaman ko noon. Parang natuwa akong hindi. Later in life, maiintindihan kong hindi pala ako magaling magdala ng papuri. Nape-pressure ako sa mga papuri. At malamang sa hindi, sumesemplang ako sa bagay na kung saan ako'y napuri.
Anyway, matalino nga raw ako. Pero sumagot ang titser ko sa paraang akala n'ya ay hindi ko maiintindihan. "He's very noisy," sagot ng titser ko sa kanyang asawa.
Pagdating ko sa bahay namin, na dalawang kilometro ang layo at nilalakad ko kasama ang aking mga pinsan na nag-aaral din sa parehong eskwelahan, kinuwento ko agad ang narinig kong iyon sa nanay ko. Pero s'yempre ang ikinuwento ko lang ay ang una kong narinig. Takot akong sabihing noisy ako. Baka ako mapagalitan.
At s'yempre pa'y tuwang-tuwa ang nanay ko kinuwento kong iyon.
Sa hapon lang ako naglalakad noon. Kapag umaga'y pinapasakay ako ni Nanay sa dyip na puro mga titser ang sakay. Kadalasa'y nakatayo ako sa gitna ng dyip, nakalambitin sa bariles na hawakan, o kaya'y kinakandong ng isa sa mga titser na kasakay.
Alam kong dalawag kilometro mula sa bahay namin hanggang eskwelahan. Halos ilang hakbang lang kasi mula sa amin ang nakabaong semento na kulay dilaw na nagsisilbing palatandaan ng kilometro. Papunta sa eskwelahan, may madadaanan pa akong isang parehong marker na malapit sa bahay ng lolo ko. Katapat naman ng eskwelahan namin iyong ikalawa. Kaya sakto talagang dalawang kilometro.
Dalawang taon kong nilakad iyon halos araw-araw. Matinding training sa hobby na kahihiligan ko pala pagtanda ko – ang pamumundok.
Natapos ang grade 1 ko na sinabitan ako ni Nanay ng ribbon para sa ikalawang pinakamatalinong bata sa section 1. Pero mas aktibo ako sa naging first honor. Mas marami akong activities e. Ako ang pinapatula, pinagli-lead sa field demonstration (very public school, no?) at s'yempre, pinapasayaw!
Nang tumuntong naman ako ng grade 2, lola ko ang naging titser ko. Akala ko ipa-pamper ako, pero hindi. Pangkaraniwang estudyante lang ako kapag nasa loob kami ng iskul. Anyway, tita s'ya ni Tatay kaya hindi ko talaga s'ya totoong lola. Pero dahil probins'ya, parang totoong lola ko na rin s'ya.
Pinahirapan pa ako noon. Isang hapo'y hinatiran ako sa bahay ng isang 4-stanza poem para kabisaduhin at i-recite sa stage kinabukasan ng umaga. May program kasi. At dahil marunong na akong magbasa, hindi na rin ako tinulungan ni Nanay. Marami rin kasing ginagawa ang nanay ko noon. Tandang-tanda ko pang nakaupo ako sa sahig sa may ilalim ng bintana, mangiyak-ngiyak sa pagmememorize habang si Nanay ay nagtatahi sa kabilang panig ng sala.
Pinapalakas naman ni Nanay ang loob ko. Kaya ko daw sauluhin iyon. Pero bago umalis ang lola ko nang hapong iyon, narinig kong tinanong ni Nanay si lola kung bakit noon lang ibinigay sa akin ang tula. Baka daw hindi ko makayang sauluhin. Pero confident si lola. Kaya ko daw 'yon. Isa pa'y isa daw iyong pagsubok sa aking kakayahan.
Naisaulo ko naman. Pero may nakalimutan akong isang linya na aking nalaktawan, so hindi ko talaga lubusang nasaulo. Sa kaba na rin siguro. Chos! Pero tuwang-tuwa si lola pagkatapos kong tumula. Ibinida pa sa mga kasamahan n'yang titser na nang nagdaang araw lang niya iyon ibinigay sa akin.
Pero kahit ano pang puri ang narinig ko sa lola ko, second honor pa rin ako nang magtapos ang school year na iyon. Si first honor pa rin noong grade 1 ang siyang nanguna. At muli'y sumagi sa isip ko ang narinig ko sa grade 1 teacher ko. Naisip kong maingay ako kaya hindi ako ang first honor.
Nang magbakasyon ay umalis na kami ng probinsiya. Sumama na kami kay Tatay dito sa Maynila. Nandito kasi ang trabaho n'ya. Naging madalang ang pag-uwi namin ng probinsiya. Mga tatlong beses lang yata mula grade 3 hanggang 4th year high school ako.
Nang magkolehiyo ako'y napagpasyahan kong magsulat ng kwento at ipinadala ko iyon sa isang babasahing Tagalog. Hindi ko akalaing ilalathala nila iyon. Una kong nalaman na na-publish ang kwento ko nang tumawag ang pinsan ko upang i-congratulate ako.
At dahil hindi ko pa alam noon ang tungkol sa mga complimentary copies, agad akong pumunta sa bilihan ng dyaryo at magasin upang pakyawin ang babasahing naglathala ng una kong akda.
Naging mahiyain ako through the years (Kenny Rogers?) kaya hiyang-hiya ako kapag sinasabi ni Nanay sa kanyang mga kakilala ang tungkol sa published story ko. Nahihiya ako kapag pinupuri, hindi ko alam kung ano'ng dapat kong i-react.
Ang pinakamagandang parte ng pagkakalathala kong iyon ay nang sumulat sa akin ang lola ko. Nalaman niya ang tungkol sa kwento ko dahil sa kanyang anak na noo'y nasa ibang probinsya na rin. Nakita nito ang pangalan ko sa magasin at kaagad na ibinalita sa lola ko.
Puro papuri ang nasa sulat ni lola. Na kesyo estudyante pa lang niya ako ay alam na niyang magiging matagumpay ako; na ang galing ko; na proud na proud siya sa akin.
Iba ang pakiramdam na ang dati mong titser ay nabubuhay pa upang saksihan ang mahalagang pangyayari sa buhay mo. Isang pangyayaring sa uri nya, bilang isang guro, ay higit niyang maipagmamalaki. Higit pa siguro kaysa kung ako'y naging manager ng isang bangko.
Hindi ko na alam kung nasaan ang sulat ni lola na iyon. Hindi ko naitago. Sayang.
Matapos akong malathala sa magasin ay sinubukan ko ang mga nobela. Nalathala din ako. Unedited pa ang una kong ginawa. Tuwang-tuwa ako gayundin ang aking ina.
Pero hindi naglaon, mas pinili kong magnegosyo. Sobra ang pressure na dala sa akin ng pagsusulat. Hindi ko kaya. Gayundin ang pressure ng mga papuri at expectation mula sa pamilya.
Wala naman akong regrets na hindi ko ipinagpatuloy ang pagsusulat. Maigsi ang buhay upang igugol kahit isang sandali nito sa panghihinayang. Ang mahalaga'y napatunayan kong kaya ko, at kakayanin ko kung aking susubukang muli.
Pero alam kong may hunger pa rin ako sa pagsusulat. Buti na lang may blog.
No comments:
Post a Comment