Thursday, February 4, 2010

Muntinlupa

Kausap ko si ate sa telepono kahapon. Wala siguro s’yang magawa. Nagpapalipas ng oras hanggang sa susunduin na n’ya ang mga bata sa school.

Mahirap kapag nagpapalipas ng oras sa pakikipagkwentuhan. Kung anu-ano’ng napapagkwentuhan. Kung anu-ano’ng nasasabi. Naungkat tuloy ang mga naging boyfriend n’ya bago s’ya tuluyang nag-asawa.

Mapili sa lalaki si ate. Nakatatlong boyfriend lang s’ya bago n’ya nakilala ang asawa na n’ya ngayon. Nakatatlong boyfriend lang s’ya kahit na 30 years old na s’ya nang mag-asawa. 29 pa lang pala. 6 days before her 30th birthday.

Naisulat ko na ang first love ni ate dito. Si Francis. Natatandaan ko pang nagregalo ito kay ate ng isang malaking bote ng Palmolive shampoo. At napakabango ng Palmolive shampoo noong 80’s. Kulay green ang shampoo at transparent ang plastic na bote. Iba pa rin ang plastic noon. ‘Yong tipong ‘pag nabagsak ay mababasag agad.

Hanggang ngayo’y nakatago ang bote ng Palmolive shampoo na iyon. Nasa probinsiya nga lang. Nakasusi sa isang cabinet na nailipat sa bahay ng lola ko no’ng ibigay sa pinsan ko ang bahay namin doon.

Sentimental value. Ang amoy ng Palmolive na iyon ay naka-incorporate na sa memories ng first love ni ate. Hindi inubos ni ate ang laman niyon. Nag-iwan s’ya ng may kalahating dangkal, na malamang ngayo’y tuyo na.

Nguni’t ngayo’y hindi na lamang Palmolive shampoo ang nakakapagpaalala sa ate ko ng kanyang first love. Maging ako’y nagulat sa ikinuwento sa akin ni ate kahapon.

Nakakulong sa Muntinlupa si Francis ngayon. Murder case. Lifetime imprisonment.

Sa pagkukwento ni ate’y alam kong may kirot s’yang nararamdaman. Minahal siya ni Francis. Minahal din niya ito. Pinaglayo sila ng tadhana hanggang sa pareho na silang magkaroon ng pamilya.

Hindi detalyado ang alam ni ate tungkol sa pagkakakulong ni Francis. Naibalita rin lang kasi sa kanya ng isang high school classmate. Pero nakapatay nga raw. At ngayo’y pinagbabayaran ang kasalanan.

“Alam ng asawa mo?” naitanong ko nang wala na akong maitanong. Sa mga pagkakataon kasing naaawa ako’y walang sensible stuff na pumapasok sa isip ko maliban sa awa.

“Ayaw kong sabihin,” sagot sa akin ni ate. “Nahihiya ako.”

No comments:

Post a Comment