Wednesday, July 27, 2011

Chasing Waterfalls

I went out last Sunday. Lately ay nakakahiligan ko ang nature tripping. 'Yong tipong malayo sa kabihasnan, sariwa ang simoy ng hangin, maraming puno... Masarap din sa tenga ang huni ng mga ibon at kulisap kahit na minsa'y nakakatakot.

Kasama ko si K. Habang naglalakad kami'y naitanong n'ya kung ilang bundok na ang naakyat naming magkasama. Pampito ang inakyat namin noong Lingo. Apat sa pitong iyon ang inakyat naming kaming dalawa lang.

Nakakatuwang isipin na hindi s'ya naiilang na sumama sa akin kahit na kaming dalawa lang. Disiotso lamang si K. Nag-aaral para maging pulis. Miyembro ng fraternity pero malayong-malayo s'ya, lalo na sa ugali, sa mga kabataang may frat. Tuwang-tuwa nga ang kanyang ina dahil napakabait na bata daw ni K.

Minsan, pagkababa namin ng bundok ay dumiretso muna ako sa kanila bago ako umuwi. Sa loob ng mahigit isang taon naming pagkakakilala ay naging kaibigan ko na rin kasi ang mga magulang n'ya.

Sinalubong s'ya ng mga kaibigan n'yang lalaki. Nakipagkwentuhan naman ako sa kanyang ina. Saglit lang at nagpaalam na ako. Habang papalayo ako'y dinig na dinig ko ang kantyaw ng isa sa mga kaibigan ni K. "Kaya naman pala parang pagud na pagod ka, e," sabi nito. "Ubos lakas mo 'no?" Sinundan iyon ng halakhakan ng mga iba pang kausap ni K.

Naisip ko noon, "Patay!" Maiintindihan ko kung maiilang na si K na sumama sa akin matapos ng kantyaw na iyon. Ngunit hindi. Sumasama pa rin nga siyang manood ng sine sa akin.

Nahinto lang ng konti ang pag-alis-alis namin nang sumali s'ya sa fraternity noong Mayo. Nabwisit ako dahil talagang ayaw ko sa mga fraternities (gayundin sa mga kasali dito). Pero hindi rin naman naglaon, nawala rin ang inis ko. Pinatunayan kasi ni K na hindi naman babaguhin ng fraternity ang mga nakaugalian na n'ya.

Ando'n din kasi ang takot kong ikahiya n'ya ako sa mga kasamahan n'ya doon. Pero nangako naman s'yang hindi. Alam naman daw ng mga "brod" n'ya na magkaibigan na kami bago pa man siya sumali.

Sa isang waterfall sa Laguna kami nagpunta ni K noong Lingo. S'ya ang pumili ng pupuntahan. Nabo-bored na raw kasi s'ya sa bundok lang. Gusto n'ya ay 'yong may dadatnan sa taas kagaya ng falls.

Nag-swimming kami sandali. Pero nawili yata kami kaya naiwan kami ng last trip ng bus papuntang Alabang. Pumunta pa kami sa Calamba upang doon sumakay ng bus.

Masasabi kong iyon ang pinakamasayang lakad namin ni K. Hindi ko alam kung bakit pero tila ang gaan ng pakiramdam ko ng mga oras na iyon. Kahit na nakalimutan kong magbaon ng kanin at tanging Lucky Me Pancit Canton at Hunts Pork and Beans lang ang baon ko, masaya pa rin.

Parang pareho kaming walang baggage. O kahit na meron man siguro'y nagawa kong iwanan ang sa akin sa bahay.

May balak kaming waterfalls ulit ang puntahan sa susunod. Sumagi tuloy sa isipan ko ang metaphor na "chasing waterfalls" na ang ibig sabihin ay pagkakaroon ng isang imposibleng pangarap.

Pero simple lang naman ang pangarap ko – ang makahanap ng isang taong magmamahal sa akin ng tunay. Tunay. 'Yong totoo. Napakasimple pero tila napakaimposible para sa isang tulad ko.

Chasing waterfalls. Siguro nga I would be chasing waterfalls my entire life.

Pero okay lang. Ganito siguro talaga ang buhay.

No comments:

Post a Comment